Post info
"The RCTN needs eight trainees. Anyone?" ang tanong ni Engr. Vasquez sa amin nang kasalukuyan kaming nag-aayos ng aming OJT assignments. Isa-isang nagtaasan ng kamay ang mga kaklase ko. Sa totoo lang, wala naman sa akin kahit saan ako ma-assign na company, eh. Ang mahalaga, maipasa ko ang subject requirement na ito.
"Two slots left. Sige na, mag-volunteer na kayo." ang sabi ng instructor namin. Tinignan ko ang nasa listahan.
Demafiles, Toby
Agustin, Alphonse
Vitto, Cristopher Lee
De Vera, Jake Ashton
Manuel, Jerson
Zalavaria, Ace
Aba, puro mga lalaki pala. Sabagay, paaakyatin ba nila sa poste ang mga babae? Nag-isip ako kung saan ko ba gustong ma-assign. Ang natitira na lang option ay sa isang electronics company, at sa isang electronics school. Parang ang RCTN lang ang kumuha ng electronics at communications field. Mas gusto ko ang communications. Kaya nagtaas na ako ng kamay.
"Sir, ako po." ang sabi ko. Isinulat naman niya ang pangalan ko sa whiteboard.
Daniel Erwin Castro.
"Daniel, sure ka na?" ang biglang tanong ni Edge. Seatmates kasi kami.
"Oo. I've no choice. Alam mo naman, diba?" ang sagot ko sa kanya. Binigyan ko na lang siya ng isang malungkot na ngiti. Alam kasi niya na gusto kong ma-iba ang environment ko. Kaya nga lang, walang-wala ako financially. At least kung dito ako kukuha ng OJT, malapit lang sa bahay, at sa mga trabaho ko.
Oo, mga trabaho. Simula noong pinalay.. napagdesisyunan kong maging independent, nag-working student na ako. Umupa ako ng maliit na kwarto malapit sa bayan kasi nandito ang trabaho ko. Marami akong napagtrabahuhan simula noon, at ngayon nga, nagtatrabaho ako sa isang chemical factory dito. Kapag may extra time naman ako, nagdi-dishwasher ako sa eatery sa tapat ng inuupahan ko. Minsan helper ng cook, waiter, cashier. Kahit magtinda ng pandesal at taga-deliver ng mineral water ay pinasok ko na rin. Eto nga't nagba-blog ako para may pang extra. Mahirap ang sitwasyon ko ngayon, pero nalalampasan ko naman. Mabuti nga't hindi lumalampas ng P1000 ang tuition ko sa school, at nare-refund ko pa. Nagpapasalamat pa rin ako dahil nakaka-survive pa rin ako kahit papaano.
'Isang taon na lang. Ga-graduate na ako.' ang bulong ko sa sarili ko.
"Ayan ka na naman, Daniel. Ang lalim na naman ng mga iniisip mo." ang sabi ni Edge sabay akbay sa akin. Natuwa naman ako sa inasta niya. Well, lagi naman siyang ganito sa mga kaibigan niya.
"Wala 'to. Iniisip ko, dahil nga mag-o-OJT tayo, kailangan ko nang mag-resign sa trabaho ko." ang sabi ko.
"Hindi, bakit ka magre-resign? Ganito gawin mo. Diba 200 hours ang kailangan natin? Ang alam ko, 8:00 am to 5:00 pm ang office hours ng RCTN. Bali pumasok ka ng 8-to-2 sa RCTN, then 2-to-10 sa work mo. Oh diba? Kaya nga lang medyo toxic sa iyo ang ganoon. At mahuhuli ka sa OJT, pero wala ka namang igi-give up na trabaho. Kaya mo ba?" ang suhestyon niya.
"Oo nga ano? Bakit nga ba 'di ko naisip 'yun? Oo, kaya ko yun. Yung mga sidelines ko lang ang maaalis sa sched ko. Pero kung magiging ganoon, eh di 5 hours a day, almost two months kong tatapusin ang OJT. Oh sige, ayos 'yun." ang natutuwa kong tugon sa kanya. Nginitian ko siya, at ngumiti din siya sa akin.
Kailangan kong mag-tiis. Para naman ito sa kinabukasan ko.
"Sir, I'll take the last slot." ang narinig kong sabi ng isa kong kaklase. Napatingin naman kami sa kanya. Si James pala iyon. Napatingin naman siya sa gawi namin. At nakita ko siyang ngumiti. Umiwas ako ng tingin sa kanya.
"Nakita ko 'yun." ang sabi ni Edge, halata ang tuwa sa boses niya.
"Ang alin?" ang pagmamaang-maangan ko.
"Yeah, right, Dan." ang nakangisi niyang sabi. Taong ito, assumero.
"Ed-"
"I know your secret, just like you knew mine. Kaya lang.." ang bigla niyang pagtigil. Ako pa lang ang nakaka-alam na Bi si Edge sa panahong 'yon. Aksidente rin ang pagkaka-alam ko. Pero balik sa kwento. Muli siyang tumingin sa direksyon ni James. Kahit hindi ko naman tignan, alam ko na ang makikita ko eh. Actually, default na 'yan sa aming magkakaklase.
Si James at si Nate.
"I know." ang sabi ko na lang kay Edge.
---
"Anak, kailan ka ba uuwi dito? Nami-miss-"
"Will you please stop calling me 'son'? Last time I checked, you disowned me." ang sagot ko.
"Anak, patawarin mo kami ng papa mo sa nangyari. Nabigla lang kami sa nangyari. Anak, mahal na mahal ka namin-"
"Stop. Please." ang sagot ko ulit. Nabasa na ng mga luha ang aking pisngi. Hinayaan ko na lang itong dumaloy.
"Daniel, anak, please. Umuwi ka na. Miss na miss ka na namin."
"Ayoko pong bumalik sa mga taong minsan akong pinandirihan. Akala n'yo po siguro, hindi ko kayang wala kayo, ano? I'm proud to say na napag-aral ko ang sarili ko sa college. Isang taon na lang, ga-graduate na ako. Nang walang anumang tulong mula sa inyo. Ma, ang sakit-sakit nang sabihin n'yo mismo sa mukha ko na nakakadiri ako, na nakakasuklam ako. Pero naiintindihan ko kayo, Ma. Kahihiyan naman talaga ako sa angkan n'yo. Pero gusto ko pong patunayan na ang kahihiyang ito ay may mga pangarap din sa buhay. Mahal ko po kayo, Ma. Pero hinding-hindi na po ako babalik sa inyo. May sarili na po akong buhay. At masaya ako ngayon sa buhay ko. Patawarin n'yo po ako, Mama. Mahal na mahal ko po kayo." ang sabi ko sabay ibinaba ang tawag. Dali-dali kong tinanggal ang sim card sa cellphone kong nokia 1100, at biniyak iyon sa gitna.
"Sorry po." ang naibulong ko bago itinapon ang sim sa basurahan. Pinunasan ko muna ang mukha ko at huminga ng malalim bago lumabas ng cubicle. Pagbukas ko ng pinto ay isang tao ang bumungad sa akin.
Si James.
Siguro, narinig niya ang pakikipag-usap ko kay mama sa telepono. Wala naman akong magagawa para doon. Hindi ko na lang siya pinansin at dumiretso sa lababo sa tabi niya para maghilamos.
"Daniel.." ang sabi niya. Ang sarap pakinggan ng boses niya habang binibigkas ang aking pangalan. Nag-angat ako ng mukha at tinignan ang mukha kong basa ng tubig sa salamin.
"Hindi ko sinasad-"
"Manahimik ka na lang." ang pagputol ko sa mga salitang lumabas sa kanyang kulay rosas na mga labi. Dinukot ko ang panyo sa aking bulsa. Nalaglag ko ito, ngunit bago pa man ito nalaglag sa sahig ay nasalo niya ito.
"Salamat." ang sabi ko sa kanya. Inabot ko ang panyo ngunit ayaw niya itong bitawan.
"Bakit ba ganyan ka sa akin?" ang sabi niya. Naguluhan ako sa sinabi niya kaya napatingin ako sa kanya. Napaka-kinis talaga ng kanyang kutis.
"Napaka-lungkot ng mga mata mo, Daniel. Sabihin mo, may nagawa ba sa'yo kaya laging malamig ang pakikitungo mo sa akin?" ang sabi niya. Agad akong nagbaba ng tingin. Ano ba'ng pinagsasabi ng taong ito? Nabasa ko naman ang nakasulat sa I.D. niya.
James Irvin Amistad.
"Gusto ko lang naman maging magkaibigan tayo. Pero lagi kang umaakto na parang wala ako sa harap mo." ang sabi niya. Nabigla naman ako nang punasan niya ang mukha ko gamit ang panyo ko. Madali niyang nagawa iyon, dahil nahigitan naman ng height niyang 5'9" ang height kong 5'6". Napatingin ako sa maamo niyang mukha, at sa kanyang malamlam na mga mata. Nawawala ako sa aking sarili.
"Bakit ba, Daniel?" ang tanong niya. Bakit nga ba? Pagdating kasi sa kanya, parang nag-iiba ang lahat. Hindi ko alam. Oo, bakla ako, pero dahil ba 'yun d'un? Lagi akong natatahimik kapag nand'yan siya. Lagi akong natutulala kapag nakangiti siya. Lagi akong naghahanap kapag wala siya. Siya. Siya na lang ba lagi? At paano naman niya ako naapektuhan ng ganito? Ano nga ba ang dahilan? Natauhan ako sa tanong niyang iyon. Hinablot ko ang panyo sa kanyang kamay, at itinuloy ang pagpunas sa aking mukha.
"Salamat ulit, James." ang sabi ko bago lumabas ng Men's Room. Ayokong paniwalaan ang kung anumang nabubuo dito sa dibdib ko. Hindi ito totoo. Hindi dapat magkatotoo.
"Daniel." ang narinig ko pang sabi niya bago tuluyang sumara ang pinto.
---
"Welcome to RCTN!" Ang pagtatapos ng branch manager sa orientation na ginawa nila n'ung unang araw namin sa OJT. Sinabihan nalang kami na pumunta sa conference room after lunch para sa lectures at schedule. Rotation kasi ang gagawin sa amin, para lahat ng area mapasukan namin. Bukas pa ang actual work, puro lectures muna daw kami ngayon.
"Tara?" ang sabi ng taong biglang umakbay sa akin. Nilingon ko ito. Si Ash, isa sa mga kabarkada ni Edge.
"Uh, saan?" ang tanong ko na lang. Alam kong kakain kami. Nagulat lang talaga ako. Hindi kasi kami close nitong si Ash. Common friend lang namin si Edge. Nagkakatanguan lang naman kami nito kapag nasasalubong ang isa't-isa.
"Kakain. Share tayo sa baon ko." ang sabi naman niya. Ano daw? Natutuwa naman ako sa mga pinaggagagawa niya, pero talagang nakakabigla ito.
"Guys, tara na! Dun na lang tayo sa ilalim ng puno p-um-westo." ang sabi niya na sinang-ayunan naman ng mga kasama namin. Malilim kasi sa labas ng opisina ng cable company na iyon at presko pa ang hangin kahit tanghaling tapat. May monoblock na lamesa sa gilid ng office. Inilagay namin iyon sa lilim ng puno. Nanghiram din kami ng monoblock chairs sa loob. Ayan, para kaming magpi-picnic. Maliit lang kasi talaga ang branch na ito ng kumpanya, kaya kahit nga ang manager ay kasamang kumakain ng mga staff at field technician. Syempre nahihiya pa kami kaya hiwalay muna kaming mga OJT.
"O, saan ka pupunta?" ang biglang tanong ni Ash nang mapansing bigla akong umalis sa kinatatayuan.
"Uh, bibili ng pagkain?" ang sagot ko naman. Hindi kasi ako nakapag-handa ng pagkain ko dahil baka ma-late ako sa orientation. Nag-absent na nga ako sa trabaho dahil alam kong importante ang orientation na ito.
"Ang kulit mo ka'mo. Sabi ko share tayo eh. Halika na." ang sabi niya. Hinawakan niya ang braso ko at hinila pabalik sa lamesa.
"Teka, Ash. Nakakahiya-"
"Naku, sakin ka pa nahiya. Kumain ka na lang." ang nakangiti niyang sabi. Narinig ko ang paghagikgik ni Toby, isa rin sa mga kabarkada ni Edge.
"Salamat." ang sabi ko naman sa kanya. Ngumiti na naman siya sa akin. Inayos niya ang baon niya. Japanese-style ang baunan ni Ash. Sa isang layer nakalagay ang kanin, tapos sa iba pang layer ang mga ulam.
"Ang dami mo yatang baon." ang nakangiti kong komento sa kanya.
"Syempre naman. Para sa'yo 'yan." ang bigla niyang sabi sabay ngiti na naman ng matamis. Whoah.. Naramdaman kong nag-iinit ang aking mga pisngi.
"Ayyyiiii!!!" ang sabay-sabay na sabi ng mga kasama namin. Talaga namang.. Lalo yata akong namula sa mga naririnig ko.
"Edge-much?" ang sabi ni Toby kay Ash. Ganito rin kasi ka-sweet si Edge sa mga kaibigan.
"Hindi naman. Tumutupad lang sa bilin." ang nakangiting baling ni Ash sa kanya. Pareho silang ngumiti at tumingin sa akin. Ano kayang ibig-sabihin ng mga ngiting iyon?
"Tara kain na tayo." ang sabi ni Ash sa akin. Nakita ko ang ulam niya. Tempura, kahit di na crispy ay mukhang masarap pa rin. At may tokwa't-baboy din na may toyo, kalamansi at sili. Teka lang, paborito ko itong mga ito, ah?
"Salamat." ang sabi ko ulit sa kanya. Akmang tatayo ulit ako para kumuha ng plato sa pantry nang pigilan niya ako. Mukhang na-gets niya kung saan ako pupunta.
"Share na tayo dito sa baunan. 'Wag ka nang kumuha ng plato." ang sabi niya na nagpasimula na naman ng kantiyawan mula sa mga kasama namin. Napa-iling na lang ako.
---
"Naka-post na ang schedule n'yo for the duration of the training. At, Mr. Castro, napag-usapan natin ang case mo. Bale every morning ka lang ilalagay sa field, and after lunch ay sa office o Head End ka para makapaghanda ka pa sa pagpasok sa work mo. Sigurado ka na bang gusto mong pumasok ng Sundays?" ang nakangiting sabi ni Mr. Esperon, ang branch manager ng RCTN. Sinabi kong papasok ako ng Sunday para kahit papaano ay mabawasan ang almost 2 months ko sa OJT.
"Yes sir. Sure na po. Thank you, sir." ang sagot ko, at nakipag-kamay ako sa kanya.
"Okay, see you tomorrow, trainees." ang sabi niya bago tumalikod at pumasok sa office. Tinignan ko ang schedule ko. Bale pairs ang ginawa para ma-distribute kaming maigi. Kada araw ay iba-iba rin ang pwedeng maging ka-partner namin. At huli na ng mapagtanto ko kung sino ang ka-partner ko.
Monday
Field - Amistad, James Irvin; Castro, Daniel Erwin
Tuesday
Head End - Agustin, Alphonse; Castro, Daniel Erwin
Wednesday
Field - Amistad, James Irvin; Castro, Daniel Erwin
Thursday
Warehouse - Castro, Daniel Erwin; Demafiles, Toby
Friday
Field - De Vera, Jake Ashton, Castro, Daniel Erwin
Saturday
Head End - Amistad, James Irvin; Castro, Daniel Erwin
Sunday
Field - Castro, Daniel Erwin
"Tatlong beses pala tayong magkakasama sa isang linggo." ang pasimpleng sabi ni James sa akin. Kapag tinamaan ka nga naman ng magaling.
"Pansin ko nga." ang sagot ko naman. Eto na naman ako. Hindi ko kasi talaga alam ang gagawin ko kapag nand'yan s'ya. Haisst.
"E di mabuti. At least ngayon, wala ka nang excuse na hindi ako pansinin." ang sabi pa rin niya sabay akbay sa akin. Bigla akong nanigas sa kinatatayuan. Ano ba ang ginagawa niya?
"Uh.." ang sabi ko na lang.
"Daniel, tara na, sabay na tayo." ang biglang sabi ni Ash. Hindi na niya hinintay pang magsalita ako at agad niya akong hinila palapit sa kanya. Umakbay siya sa akin.
"Guys, una na kami, ha?" ang sabi niya at tinanguan na lang kami ng mga kasama namin. Tumingin ako kay James at nakita ko ang malungkot niyang tingin. Muli ay umiwas ako.
---
"Hanggang kailan mo balak magtago?" ang biglang sabi ni Ash pagkababa namin ng jeep. Muli niya akong inakbayan.
"Ha?" ang tanging nasabi ko.
"Pareho kayo ni Edge. Kahit hindi n'yo sabihin, may mga nakakaramdam." ang mahinahon niyang sabi sabay ngiti. Pinamulahan ako ng mukha.
"Wala ka namang dapat ikahiya. Kung alam mo lang, Daniel, gusto kong gawin ang mga bagay na ginagawa mo. Alam kong nag-iisa ka lang sa buhay. Pero kayang-kaya mo namang lampasan ang mga dumarating sa'yo. Nagagawa mo ngang magtrabaho kahit nag-aaral. Hindi ko kaya 'yang ginagawa mo." ang sabi n'ya.
"Hindi ko naman ginagawa ang mga bagay na iyon dahil gusto ko. Ginagawa ko iyon dahil kailangan kong gawin. Konting sakripisyo lang naman 'yun para maayos ko ang mga bagay na dapat kong ayusin." ang sagot ko sa kanya.
"Kaya rin ba hindi mo pinapansin si James dahil kailangan mong gawin?" ang sabi naman niya. Napatingin naman ako sa kanya.
"Kahit hindi mo sabihin, at kahit itanggi mo ng paulit-ulit, naiintindihan ko kung ano 'yang bumabagabag sa iyo. Bakit 'di mo pagbigyan ang sarili mong makilala siya?" ang sabi niya ulit. Napayuko naman ako sa mga narinig.
"Hindi kasi ganoon kadali iyon, Ash." ang sabi ko. Bigla siyang humarap sa akin at niyakap ako. At sa gitna pa nga ng kalye, hindi alintana ang mga taong nakatingin sa amin.
"Hindi sa lahat ng pagkakataon dapat mong pigilan ang nararamdaman ng puso. Bigyan mo ang sarili mo ng pagkakataong maging masaya. Maaaring masaktan ka dahil natural naman 'yan sa pag-ibig, pero sa pagsugal sa larong iyan mararanasan mo ang mga bagay na hindi mo aakalaing totoo." ang bulong niya. Kumalas siya sa pagkakayakap sa akin nang nakahawak pa rin sa magkabila kong balikat. Muli siyang nagsalita.
"Sa pag-ibig mo lang mararanasan ang maging 'totoo'."
---
"Hay, lamig! Alphonse, diyan ka muna, ha? Giniginaw na ako. Gusto mo ng kape? Ipagtitimpla kita." ang sabi ko sa ka-partner ko ng araw na iyon. Sa Head End kasi kami naka-assign. Ito ang pinakamalamig na lugar sa buong company. Nandito kasi ang lahat ng equipment, parang pinaka-server. Iniiwasan kasi ang pag-overheat ng mga equipment tulad ng trunk amplifiers, transmitters, computers, atbp. dahil nag-o-operate ang mga ito 24/7.
"Hindi, ayos lang. Sige na, alam ko namang ginawin ka. Sa susunod, magdala ka kasi ng jacket." ang nakangiti niyang tugon sa akin. Tumango na lang ako at lumabas. Pumunta ako sa pantry at naghanap ng kape.
"Aha! At may choco pa. Makagawa nga ng moccha." ang sabi ko na parang tangang kinakausap ang sarili. Nilagyan ko ng kape, tsokolate, asukal at gatas ang mug. Ibinalik ko muna ang mga ginamit ko bago lagyan ng mainit na tubig ang mug. Ngunit pagharap ko ay nakita ko si James na nilalagyan na ng tubig ang mug.
"Ginawin ka pala." ang sabi niya. Nang mapuno ang mug ay ibinigay niya iyon sa akin. Ano bang ginagawa ng taong ito? Tinignan ko ang mug na puno ng mainit na moccha. Nilanghap ko ang mabangong usok nito.
"Salamat." ang sabi ko sa kanya. Hindi ko siya magawang tignan.
"Here." ang sabi niya ulit. Napatingin ako sa hawak niya.
"Isuot mo muna ito." ang sabi niya ulit. Iyon yung cardigan sweater niya. Hinubad pa niya talaga para ipahiram sa akin?
"Ah, hindi, ayos na ako. Salamat." ang sabi ko ulit. Sa halip na magsalita ay kinuha niya ang mug at inilapag sa counter. Pumunta siya sa likuran ko at inalalayan pa nga ako sa pagsuot ng sweater niya.
"Sige na, mas kailangan mo ito kaysa sa akin." ang sabi niya. Wala naman akong ibang masabi sa kanya kundi salamat ulit. Bakit ba ang bait-bait ng mokong na ito sa akin? Alam kong hindi maganda ang hindi ko pagpansin sa kanya, pero nandito pa rin siya't nakangiti sa akin. Hay. Ano ba 'yan.
"James.." ang sabi ko. Hindi ko alam kung saan ko nahugot ang lakas para sabihin ang pangalan niya. Lalong lumapad ang mga ngiti niya.
"Ayan, kinakausap mo na ako." ang masaya niyang sabi.
"Bakit?" ang sabi ko naman.
"Ano'ng bakit?" ang sagot niya.
"Bakit ba.. Ang bait mo sa akin?" ang sabi ko naman. Nakayuko pa rin ako at nakatingin sa umiikot na marshmallow sa moccha. Ha? Sinong naglagay nito?
"Alam kong favorite mo 'yan." ang sabi niya patungkol sa marshmallows.
"Tungkol naman sa tanong mo kung bakit ako mabait sa'yo, wala lang. Mabait naman talaga ako." ang sabi niya. Tinignan ko siya, hindi makapaniwala sa mga pinaggagawa niya.
"Hindi rin." ang nasabi ko.
"Paano mo naman nasabi?" ang tanong niya.
"Balita ko inaway mo daw si Nate." ang nangingiti kong sagot. Tumawa naman siya. Parang napakagandang musika ang mga tawa niya.
"Hahaha hindi ko naman inaway 'yon. Bigla na lang nagtampo n'ung 'di ko sinipot n'ung birthday niya." ang natatawa niyang paliwanag. Parang biglang bumigat ang pakiramdam ko. Sa kabila ng matamis na lasa ng moccha at ng mga marshmallows, parang bigla akong na-inis. Nagtampo, Nate, Birthday. Bakit ba paulit-ulit kong naiisip ang mga iyon?
"Huy, natahimik ka?" ang pagkuha niya sa atensyon ko. Kanina pa pala siya salita ng salita doon.
"Ha?" ang sabi ko na lang.
"Ayan ka na naman. Nag-iisip ka na naman ng kung anu-ano." ang sabi n'ya sa akin.
"Hindi, wala ito. Yung trabaho ko mamaya ang iniisip ko." ang sagot ko naman. Pareho kaming biglang natahimik. Pareho kaming nagpakiramdaman. Pero siya rin ang bumasag ng katahimikan.
"Uh, Daniel. Kasi.."
"Sorry." ang sabi ko.
"Teka, bakit ka nagso-sorry?" sabi niya.
"Naisip ko kasi kung ano'ng klase ang pagtrato ko sa'yo. Hindi kita pinapansin, tapos lagi pa kitang sinusungitan. Pasensya ka na, at sorry ulit." ang sabi ko. Inangat niya ang baba ko para magtama ang aming mga mata. Nakangiti pa rin siya sa akin.
"Wala 'yon. Pero may isa lang akong gustong hilingin." ang sabi niya.
"Sige, ano ba 'yon? Para naman makabawi ako sa iyo." ang sabi kong nahihirapang pantayan ang kanyang mga titig.
"Friends?" ang tanong niya, sabay lahad ng kanyang kamay. Naalala ko ang sinabi ni Ash kahapon. Kailangan kong bigyan ng pagkakataon ang sarili ko..
"Friends." ang sabi ko sabay kuha sa nakalahad niyang kamay. Mabuti na lang at nailapag ko ang iniinom ko dahil bigla niya akong hinila palapit sa kanya. Niyakap niya ako.
"Ang saya-saya ko ngayon, alam mo ba? Salamat." ang sabi niya.
Naramdaman ko ang mabilis na pagtibok ng aking puso.
---
Simula ng araw na iyon, naging madalas na ang pag-uusap namin ni James. Nagkukulitan na rin kaming dalawa. Minsan, ipinagbabaon na rin niya ako ng ulam. Ewan ko ba, siguro naaawa sila sa akin dahil nga may trabaho ako, pero hindi ako nakakita ng gan'un sa mga mata nila. Nagpapasalamat na lang ako dahil lahat sila ay mababait sa akin.
Kinakantiyawan na nga rin nila kaming dalawa ni James. Sweet din kasi si James. Nandyan na inaayos ang kwelyo ng damit ko, inaayos ang buhok ko, mamasahihin ako, o kaya naman ay pinupunasan ang gilid ng labi ko kapag kumakain kami. Kapag nililingon ko si Ash ay nagta-thumbs up lang lagi sa akin.
Noong first Sunday ko sa OJT, nagulat ako nang may bumati sa akin pagkatapos kong mag-time out.
"Siguro naman, wala kang trabaho kapag Sunday." ang sabi sa akin ng isang pamilyar na tinig. Nilingon ko ito, at nagulat ako nang mapagtanto kung sino iyon.
"James? Ano'ng ginagawa mo dito?" ang gulat kong sabi sa kanya.
"Ay naku, kanina pa 'yan dito, hinihintay ka. Miss na miss ka na daw niya." ang pangangantiyaw ni Sir Aleck, isa sa mga field technician. Napakamot-ulo naman si James, at nakangiting parang timang.
"Talaga lang ha? Oh, bakit nga? Wala akong work mamaya." ang sabi ko naman.
"Tara." ang sabi niyang naka-ngiti. Nagtataka man ay sumama pa rin ako sa kanya.
"Kamusta naman?" ang sabi niya ng nakasakay kami ng tricycle.
"Nakakapagod. Ang daming JO (job orders) ngayon. Installation, disconnection, blah blah." ang sabi ko naman. Buti nga at medyo nakakausap ko na siya nang hindi gaanong naiilang sa kanya.
"Pinaakyat ka nila ng bubong?" ang tanong niya. Madalas kasi ako ang pinapaakyat kasi medyo magaan ako.
"Uh-huh. May wireless (wireless internet) installation din eh." ang sabi ko ulit.
"Naku, sigurado gutom ka. Magugustuhan mo kung saan tayo pupunta." ang nakangiti niyang sabi.
"Manlilibre ka? Aba, sumusobra ka na. Binibigyan mo na nga ako ng baon mong ulam, eh. Pinapataba mo ba ako?" ang natatawa kong sabi. Tawa lang din siya.
At iyon nga, nilibre nga n'ya ako sa isang resto dito. Tuwang-tuwa ako sa Lasagna. Paborito ko kasi iyon.
"Sabi na nga ba, paborito mo 'yan." ang sabi niya.
"Paano mo nalaman?" tanong ko sa kanya habang nilalantakan ang pagkain ko.
"Uh.. Narinig ko kasing pinag-uusapan n'yo ni Edge ang Lasagna, at parang tuwang-tuwa ka." ang sagot niya. Ay naku. Ano ba itong nararamdaman ko? Kilig? Kasi ba naman, kahit maliit na bagay natandaan pa niya.
"Salamat." ang sabi ko ulit.
At hindi pa nga doon natapos iyon. May nakita kaming siomai stall sa palengke. Ayun at nilibre na naman ako. Sabi ko ako naman ang magbabayad pero naunahan ako. Pati yung katabing stall ng fried noodles 'di pinalagas. Tapos yung BJ siya rin ang nagbayad (buko juice. Green-minded XD).
Kung hindi ko lang talaga alam na may something fishy sa kanilang dalawa ni Nate, iisipin kong nagde-date kami.
Ambisyoso.
Masayang maging kaibigan si James. Ngunit habang tumatagal ay lalo akong nahuhulog sa kanya. Sa bawat bagay na ginagawa niya sa akin, pakiramdam ko ako ang pinakamahalagang tao sa buoog mundo. Nahihirapan na akong pigilan ang anumang nabubuo sa dibdib ko. Si James..
Mahal ko na si James.
---
May na, at nag-compute na kami ng oras namin. Sakto lang pala dahil mauuna lang sila ng isang linggo sa akin, salamat sa mga Sundays ko. Minsan kasi nag-o-OT rin ako tuwing Linggo, lalo na kapag malalayo ang clients namin.
"Eh di ayos, makakapag-outing pa tayo bago ako mag-bakasyon ng isang linggo sa probinsya." ang sabi ni Toby.
"Saan ba ang probinsya mo?" ang tanong ko.
"Sa Pangasinan." sagot niya.
"Makatarus ka ti Ilokano?" ang sabi ko.
"Wen, manong." ang natatawa niyang sabi.
"Apay Ilokano ka met gayam, madi mo imbag-bagam." ang pagsabat ni James sa amin.
"Sika pay? Aba, aba!" ang natatawa kong sabi.
"Nag-Alien talk na po sila." ang sabi ni Ash na ikinatawa naming lahat.
"Ikaw, Daniel, saan ka pupunta after OJT?" ang tanong ni Ace, isa rin sa mga kasama namin.
"Eh di magwo-work." ang nakangiti kong sabi.
"Wala ka man lang bang balak magbakasyon?" ang tanong niya. Wala kasi silang alam sa mga nangyari sa akin. Ang alam nila bumukod ako sa parents ko, sa hindi malamang dahilan. Pero narinig ni James ang usapan namin ni Mama sa phone noon sa Men's Room. Sumagot pa rin ako.
"Wala. Hindi ko pwedeng iwan ang trabaho ko. Hindi ako makakapag-enroll kapag nag-resign ako. Mababawasan naman ang kikitain ko kapag nag-leave ako. So, vacation is not an option." ang sabi ko na lang.
"Humingi ka na kasi ng tulong sa parents mo. Pare, four years ka na sa ganyang set-up. Pang-tuition lang naman." ang sabi ni Alphonse. Medyo nagbago ang mood ko. Nilingon ko si Ash. Ewan ko, pero parang may alam siya na hindi ko alam. Tumingin ako kay James, at nahalata siguro niya na nainis ako. Hindi ko na lang pinansin.
---
"Are you okay?" ang sabi ni James. Sinundan pala niya ako sa pantry. Tango lang ang isinagot ko.
"Don't you want to give your parents a ch-"
"I don't want to talk about it." ang mahina kong sabi. Hinuhugasan ko ang baso na ginamit namin kaninang lunch.
"Daniel, I don't want to interfere with your family affairs but-"
"Then don't. Please, James. Please." ang sabi ko habang sinasara ang gripo.
"Alam mo kasi, hanggang ngayon, ang sakit pa rin. 'Nakakadiri ka, lumayas ka sa harapan namin.' 'Isa kang malaking kahihiyan sa pamilya-'" nagsimula nang mag-crack ang boses ko. Pero pinigilan ko sa abot ng makakaya ko ang umiyak sa harapan niya.
"Naiintindihan mo na siguro kung bakit gan'un ang mga pinagsasabi nila sa akin. Kaya nga, medyo tahimik lang ako sa klase. Paano kung makuha ko ang kaparehong rejection sa mga kaklase natin. Hindi ko na yata kakayanin pang ma-reject ulit. Hindi ko na yata kakayanin pang-" at naputol na naman ang sasabihin ko. Huminga ako ng malalim para pakalmahin ang sarili ko.
"Sila pa rin ang mga magulang mo, Daniel. Sila pa rin ang pamilya mo." ang sabi niya.
"Alam ko, at mahal na mahal ko sila. Kaya nga ako lumayo eh, para hindi pag-usapan ang pamilya namin. At para hanapin din ang sarili ko." ang sabi ko naman.
"Sige na, aalis na ang field crew. Baka iwan ka nila." ang sabi ko sa kanya. Bigla naman niya akong niyakap.
"Pag-isipan mo, Daniel. Sigurado ako, mahal na mahal ka nila." ang sabi niya. Ang higpit ng mga yakap niya. At hindi ko napigilan ang sarili kong kumapit sa kanyang matipunong katawan. Isinubsob ko ang ulo ko sa kanyang dibdib, at naamoy ko ang pabangong lagi niyang ginagamit.
"Lagi lang akong nandito, Daniel. Para sa'yo."
---
(-v-) Hello?
(*.*) Edge? Si Daniel 'to.
(-v-) Oh Dan! Kamusta! Aba, napatawag ka.
(*.*) Ed, paano mo nasabing mahal mo si Mico?
(-v-) Uh, kasi..
(*.*) Uhm, Ed? May nangyari ba?
(-v-) Nag-break na kami ni Mico. Nung March lang.
(*.*) Ay naku, Ed, sorry. Hindi ko alam.
(-v-) It's okay. Wala na 'yun. Balik tayo sa tanong mo. Bakit ganyan ka maka-tanong? Siguro..
(*.*) Kasi, Ed..
(-v-) Is it James?
(*.*) ...
(-v-) Ahahaha! I knew it! Ang galing talaga ng informant ko.
(*.*) Si Ash ba ang tinutukoy mo?
(-v-) Isama mo na si Alphonse, Toby, Ace, Jerson, at si Cristopher. Hahaha.
(*.*) You mean.. Am I that transparent?
(-v-) Not really. Pero 'yung effort ni James para makipag-kaibigan sa'yo, that's epic?
(*.*) Ed..
(-v-) Falling in-love with a friend is possible. But, in your case, it's inevitable. Just go for it, Dan. Just feel whatever love may bring you. Accept it gladly, and be happy with everything your love may give.
(*.*) Ed..
(-v-) Bakit malungkot pa rin ang boses mo?
(*.*) Si Nate..
(-v-) Alam mo, rivals are there not to bring you down, but to encourage you to pursue your love whole-heartedly. Only true love prevails, Dan. Remember that.
(*.*) So, may the best man win..
(-v-) Yeah, sort of. Haha
(*.*) Ed?
(-v-) Hmm?
(*.*) Thanks.
(@,@) I love you, Ed! Ayabyu! (Si Aries umeepal)
(*.*) May bago ka naman palang lovelife eh.
(-v-) Adik, pinsan ko yun! Hahaha
(*.*) Ed, thank you.
(-v-) Don't mention it.
---
At kung kailan nakapag-desisyon na akong umamin kay James, saka pa tumawa ng malakas ang langit.
---
"Tao po?"
"Yes? Sino po sila?"
"Cable po. Dito po ba nakatira si-" tumingin sa JO na hawak. "Si Mrs. Edelina Pascua?"
"Oo, ako nga iyon."
"Magpapakabit daw po kayo ng wireless internet?"
"Ah, oo. Halikayo dito, pasok."
Nasa field kami ngayon ni James. Wireless internet ang ikakabit namin ngayon. Pati kasi wireless pinasok na rin ng cable.
"James? Iho, kamusta ka na?" ang sabi ni Mrs. Pascua.
"Ay tita, kayo po pala iyan. Ayos naman po." ang sagot naman ni James.
"Sa cable ka pala nag-OJT? Si Nate sa Hikari (electronics company). Kaya lang hindi s'ya nakapasok ngayon." ang sabi niya. Nanay pala ni Nate 'yun.
"Ay, bakit po?" ang tanong ni James. Rinig sa boses niya ang pag-aalala.
"Ayun nilalagnat. Nand'un sa kwarto niya ngayon, nagpapahinga."
"Pwede po ba s'yang puntahan mamaya, 'pag tapos na po naming ikabit ito'ng wireless?" si James ulit.
"Ay, oo naman. Sige." ang sabi ng nanay ni Nate. Sinimulan na namin ang pag-assemble ng kit. At dahil nga installation, ako na naman ang aakyat. Kasama ko naman si Sir Aleck sa taas, naiwan sa baba si Sir Eduard (isa pang field technician). Sumama naman sa amin si James.
"Daniel, paki-hawakan mo ito habang tinatali ko ito, ok?" ang sabi ni Sir Aleck. Tumango naman ako. Hinanap ko kung nasaan si James, at nakita ko siyang kumakatok sa bintana. Bumukas iyon, at nakita ko si Nate. Maputla nga siya. Nag-usap sila ng kaunti na hindi ko naman narinig, saka kumaway si Nate sa akin. Nginitian ko na lang siya. Inalalayan naman ni Nate si James nang magtangka itong pumasok sa kwarto ni Nate. Biglang bumigat ang pakiramdam ko sa mga nakikita ko. Hindi ko maiwaglit sa isipan ko, ang ganda nilang tignan. Bagay na bagay sila.
"Ok, tara na. Magaling ka daw mag-configure ng settings sa PC sabi ni Maam Joan mo. Ikaw ang papagawain ko ng IP config. Kaya mo?" ang sabi ni Sir Aleck.
"Opo, sir. Kaya po." ang sagot ko naman. Kailangang mawala sa isipan ko kahit saglit ang mabigat na pakiramdam na ito. Naunang bumaba si sir Aleck kaysa sa akin. Papunta sa pwesto ng hagdanan ay madadaanan ko pa ang bintana ng kuwarto ni Nate. Hindi ko maiwasang tumingin nang matapat ako doon. Bigla akong nanlumo sa nakita.
Si Nate at James.
Magkahalikan.
Unti-unting sumikip ang dibdib ko. Bakit ganito? Bakit nagkaganito? Kung kailan pa aamin na ako kay James. At kung kailan mahal ko na siya? Ito ba ang kapalit ng galit na nararamdaman ko sa mga magulang ko? O kapalit ng pagwawalang-bahala ko kay James sa loob ng apat na taon?
Nahuli na ako.
"Dan? Tara na!" ang sabi ni Sir Aleck. Natauhan naman ako sa pagtawag niya. Huminga muna ako ng malalim, bago nagsimulang pumunta sa hagdanan at bumaba. Sa huling hakbang ay nadulas pa ako, hindi dahil aksidente, kundi dahil sa panlalambot sa mga nakita ko.
"Oh Daniel? Ayos ka lang?" ang sabi ni Sir Eduard.
"Ok lang po, sir. Medyo mainit po kasi sa taas, kaya po medyo nahilo lang po ng kaunti." ang dahilan ko. Pinainom naman ako ni Mrs. Pascua ng tubig. Nagpasalamat ako at tinungo ko ang PC. Kailangang matapos ko na ito. Last ko na ito ngayong umaga, at mamaya sa office na naman ako. Hindi ko na kayang magtagal pa dito.
- ipconfig
Hindi ko na kaya pa..
- ping 10.61.200.255 -ts
Nakakapanlumo..
- destination host unreachable.
Kailangang maka-alis na ako dito.
- ping time 12ms
Ayaw ko na dito.
KKKRRRIIINNNGGG!!! Tumutunog ang cellphone ko.
"Ah, maam, connected na po kayo. Paki-try pong mag-browse sa kahit anong site." ang sabi ko.
"Ah sige, sige." ang sabi naman ni Mrs. Pascua.
"Excuse po." ang paalam ko para sagutin ang cellphone ko. Ang higpit ng pagkakahawak ko sa pinakamamahal kong cellphone. Huminga muna ako ng malalim bago pinindot ang green key.
"Hello?" ang malungkot kong sabi.
"Daniel? Bakit ganyan ang boses mo?" ang sabi ni Ash.
Ibinaba ko ang tawag.
=======
"What am I gonna do
When the best part of me
Is always you? And
What am I supposed to say
When I'm all choked up
That you're okay?
I'm falling to pieces, yeah
I'm falling to pieces..
=======
[WAKAS]
=======
Hello! Thank you po sa mga patuloy na nag-eemail, nagme-message at nagtatanong kung kailan ko ipo-post ang next chapter ng Now Playing. I can't make a promise, but I'm doing my best to retrieve the lost scenes I've written. They'll be posted naman po sa site ko, The Third Carnival at sa site na ito.
Now, to at least remind you that Now Playing isn't dead, this story is for you. This is the second spin-off story of the Now Playing Series, the first being The Man Who Can't Be Moved.
Ladies and gentlemen, I am proud to present to you, the second Now Playing spin-off story, Almost.
P.S. Will there be a sequel?
- Half
Powered by Blogger.
I love this story. Wala na po bang sequel to?? Huhu.